|
Philippine
Daily Inquirer, Thursday, December 7, 1995 |
Dalawang paalam |
Sa Kabukiran
ni Jose G. Burgos Jr. |
|
ANG
pagtatanim ng puno ay isang pagsubok sa kakayahan at
katiyagaan. Upang ang puno'y lumaki at lumago, lalo na ang
mga namumunga ng prutas, taon din ng pagsusumikap ang
binibilang ng isang nagtatanim.
Anim na taon na nagsumikap si kasamang
Bernie Dizon upang
mapayabong ang mga punong prutas na kanyang itinanim sa
isang bahagi ng Ninoy Aquino Parks sa North Avenue, Lungsod
Quezon.
Ang mga punong ito, katulad ng durian, lanzones, santol,
marang, makopa, rambutan, litsiyas at pomelo ay namumunga na
at nagbibigay ng kaluwalhatian sa mga mamamayan na
namamasyal sa parke.
Subalit ang mga punong ito ay maaaring alisin at ang
lugar ay papatagin upang pagtayuan ng isang gusali ng
Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Tumanggap ako ng isang liham ng pagkabahala mula kay
kasamang Bernie ukol sa balakin ng DENR na buwagin ang mga
punong prutas na itinanim noong 1992 sa pamamagitan ng isang
kasunduan ni Dizon at ng dating kalihim ng DENR na si
Fulgencio Factoran Jr.
Ang nasabing lugar na natamnan ng mga sari-saring
bungangkahoy ay 'di kasama sa kasunduan bilang "tree
nursery," ngunit ayon kay Dizon binigyan siya ng pahintulot
ng director ng Parks and Wildlife Bureau na siyang
nangangasiwa ng liwasan.
Kung hindi babaguhin ang plano ng pagtatayo ng gusali,
ang alternatibo ni Dizon ay hukayin ang mga puno at ilipat
sa ibang lugar. Ngunit ito'y delikadong pamamaraan dahil
malalaki na ang mga puno at ang pag-alis ng mga ito ay
walang katiyakan na sila'y mabubuhay muli. Lalo na ngayon na
parating na ang tag-araw at ang panahong ito ay napakaselan
para sa mga puno.
"Nakikiusap ako sa pamunuan na kung maaari ay huwag
nang galawin ang mga puno dahil ito naman ay pag-aari na ng
DENR at ng mga mamamayan at magtayo na lang ng gusali sa
ibang bahagi ng Ninoy Aquino Park dahil ito naman ay malawak
pa," isiulat ni Dizon.
Sana'y pag-aralan mabuti ang pakiusap ni Ka Bernie
Dizon at nananawagan na ri ako kay Kalihim Vic Ramos ng DENR
na pakinggan ang pagsusumamo ni Dizon bago tuluyan tayong
magpaalam sa mga kagiliw-giliw na bungangkahoy sa Ninoy
Aquino Park.
|
|
|